Tuesday, October 9, 2012

RH Bill: Patungong Matuwid na Daan


          Ayon  sa Central Intelligence Agency ng United States of America, buhat sa isang isyu sa Manila Bulletin noong nakaraang Hulyo ng taong ito,may tinatayang 103, 775, 002 katao na ang kasalukuyang naninirahan sa Filipinas. At sa bilang na ito, may mahigit kumulang na 11.1 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay napapabilang sa Class D o E, isang lebel ng buhay kung ang isang pamilya ay nabubuhay sa “isang kahig, isang tukang” pamumuhay. Ano ang maaari nating gawin upang mawakasan na ang ganitong bulok na sistema sa ating lipunan? Paano natin mapipigilan ang pagdami ng tao sa Filipinas?
Pinagkuhanan: http://thoughtsofashutterbug.wordpress.com/2012/08/04/im-pro-choice-im-pro-rh-bill/

            Ilang taon na rin ng magsimulang maging tampulan ng maiinit na diskusyon ang Reproductive Health Bill (RH Bill) na isinusulong nina Representative Espina, Lagman, Garin, Bag-Ao, Bello, Biazon, Syjuco, Ilagan at De Jesus. Nilalayon nitong magabayan ang bawat magulang sa isang planado, ligtas at pinag-isipang pagpapamilya. Binibigyang-diin din sa RH Bill ang iba’t ibang paraan upang malipol ang mga taong nakakaranas ng isang kahig, isang tukang pamumuhay. Sa pamamagitan nito ay mas mauunawaan ng bawat tao ang kahalagahan ng buhay at pamilya, pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan at higit sa lahat, pagpaplano sa pagbubuntis at ipinagbubuntis. Dahil sa mga magagandang balakin ng bill na ito, naniniwala akong ito’y maaaring maging isa sa mga landas patungong maatuwid na daan.
Pinagkuhanan: http://fvdb.wordpress.com/2011/02/14/a-friendly-letter-to-all-pro-rh-bill-freaks/

            Delikado nga ba ang magbuntis at manganak? Ayon sa matatandang kasabihan, nasa hukay daw ang isa sa mga paa ng inang nanganganak, ito’y nangangahulugang delikado at nakamamatay ang pagluluwal ng isang bagong buhay. Ayon pa sa isang pagsasaliksik sa 2011 Family Health Survey, may 221 namamatay sa bawat 100, 000 buhay na batang iniluluwal sa Filipinas. Mula sa 162 na bilang noong 2006, makikitang tumaas ito ng 59 katao. Para sa akin, dapat ng magsimulang mangamba ang ating gobyerno sa patuloy na paglaki ng bilang na nangangamatay na sanggol at ina.
Pinagkuhanan: http://tuggot.blogspot.com/2010/10/issue-of-reproductive-health-rh-bill.html

            Marahil, marami sa atin ang kasalukuyang napapaisip sa importansya at benepisyong makukuha mula sa bill na ito. Ngunit, ano nga bang kahalagahan nito? Ang RH Bill ay binuo alinsunod sa: 1. patuloy  na paglobo ng populasyon sa Filipinas, 2. nilalayon nitong mabigyan ng edukasyon ang mga mag-asawa sa mahusay na pagpaplano ng pamilya o family planning, 3. dahil sa pagtaas ng bilang ng HIV victims, ang bill na ito ang tutulong sa mga mamamayan na makaiwas sa ganitong sakit sa pamamagitan ng pagbibigay edukasyon ukol sa iba-‘t ibang paraan ng malinis at maingat na pakikipagtalik, 4. ang bill na ito ang siyang magiging daan upang mapatupad at masunod ang gender equality at women empowerment sa Filipinas at 5. ninanais ng bill na ito na mabawasan ang maternal mortality rate, bilang ng mga namamatay sanggol sa bawat 100, 000 na nailuluwal ng buhay, mula sa 221 na bilang pababa ng 54 na lamang hanggang sa tuluyang mawala. Ano pa nga bang mali sa RH Bill? Wala namang buhay na kinikitil sa halip ay magliligtas pa nga ito ng daang libong mamamayan ditto sa Filipinas. Sa limang magagandang layunin na isinaad ko, buhat lahat sa mismong Reproductive Health Bill na isinumite nina Representative Lagman,  hindi mo ba nakikita na ito ang sagot sa mga pangunahing problema sa ating lipunan?
Pinagkuhanan: fightrhbill.blogspot.com

            May tatlong bagay akong nais ipamulat sa inyo. Anu-ano nga ba ang dahilan kung bakit suportado ko ang RH Bill? Una sa lahat, natural na sa mga taong makipagtalik. Hindi natin ito maiiwasan sapagkat nasa hormones na ng bawat tao ang pagkasabik sa sex. Hindi ko sinasabing dapat nang suportahan ang pre-marital sex pero,  paano ba natin mapipigilang matukso ang mga kabataan at iba pang hindi pa buklod sa simbahan? Pangalawa, sa dami ng kaso ng HIV Victims sa Filipinas, nararapat na lamang na maabutan sila ng tulong at nararapat na rin na gumawa tayo ng paraan para mapigil ang paglobo ng bilang. Hindi natin sila dapat pagdiriin bagkus ay abutan pa ng pag-unawa at pagramay dahil sa isang punto sa kanilang buhay, hindi nila ginustong magakaroon sila ng ganitong karamadaman. Ang panghuli at pinakamahalagang rason, ang bill na ito ang magiging extension ng ipinaglalaban ng Miriam College na women empowerment at gender equality. Ang Filipinas ay biased sa lahat ng bagay. Karamihan, maraming nagmamaliit sa kakayahan ng mga kababaihan. Dahil dito, maraming nang-aabuso sa mga ito. Dapat ng mapigilan ito sapagkat pantay-pantay ang pagkakalikha sa atin ng Panginoong Maykapal. Wala sino man ang bingyan ng karapatang magmataas at magmaliit ng kapwa.

            Bilang pagtatapos, mariin kong isinusulong ang Reporoductive Health Bill dahil ito ang makakabuti sa Filipinas at mga mamamayan nito. Wala namang masamang layunin ang bill nito. Sa katunayan, ito ay binuo alinsunod sa mga problemang hindi mabigyang solusyon ng mga taong nakaupo sa gobyerno. RH Bill ang magsisilbing paunang gabay tungo sa matuwid na daan.
Pinagkuhanan: http://rojan88.wordpress.com/tag/anti-rhbill-pro-rhbill/

Tanan


          Tulalang nakatitig si Noly, bunso sa pitong magkakapatid, sa kanilang pugon na ginagamit ng kanyang mga magulang sa pagluluto ng tinapay. Dahil bunso, pinalaking sunod sa layaw nina Mang Rafael at Aling Martina si Noly. Tubong Batangas ang kanyang mga magulang subalit, dahil sa paghahanap-buhay ng mga ito ay napilitan silang lumipat sa isang iskwateran sa may Tramo na matatagpuan sa Lungsod ng Parañaque.
           
          Kayod-kalabaw ang mga magulang ni Noly upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi man mayaman ay sinisigurado ng mag-asawa na higit pa sa sapat ang atensyon at pagmamahal na inilalaan nila sa kanilang mga anak, lalung-lalo na kay Noly. Ika nga ni Mang Rafael, “Handa akong mangutang, maging doktor ka lang Nolito!” Nakakatuwang nakakaiyak mang isipin ay naging malayo sa hinahangad ng mag-asawa ang kapalaran ni Noly. Sa unang baitang pa lamang ay ninais na niyang huminto na sa pag-aaral. Wala siyang hilig sa Matematika lalung-lalo na man sa Ingles at Science. Tila naging parusa ang bawat silid-aralan sa Mababang Paaralan ng Lungsod ng Parañaque.
           
         Makalipas nga ng ilang taon, nagbinata na ang bunsong si Noly. Nagsimula na siyang magsisali sa mga basag-ulo ng kanilang lugar. Natuto na rin siyang manuyo ng mga kadalagahan. Isa nga sa kanyang mga naging kasintahan ay si Nineth. Labing apat na taon pa lamang sila noon, sa kainitan ng Mayo ng sila’y magka-oo-han,  ng matuto na silang magbulakbol at tumakas tuwing Sabado upang manood ng sine at gumala. Upang mapunan ang kanyang mga luho, natuto magbakal-bote si Noly. Nang matapos ang kulang-kulang na apat na buwan ay nagkasawaan na sila’t nagdesisyong maghiwalay. Sugatan man ang puso’y tuloy pa rin ang buhay. Nang umapak si Noly sa ikatlong taon sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Parañaque, naging pabaya siya lalo sa kanyang pag-aaral kaya  bagsakin ang karamihan sa mga marka nito. Lalo siyang naging sakit sa ulo ng kanyang mga magulang. Sa ika-apat na taon ay palala siya  ng palala. Hindi man siya ang tipo ng taong laman ng bilyaran ay hindi rin siya matuturing na taong pala-aral. Para sa kanya, suntok sa buwan ang maging masipag na estudyante.
           
          Marso ng ika-apat na taon, huling buwan na kung tutuusin, nang magsimulang maging malapit na magkaibigan ang bestfriend ni Nineth na si Diana at ang ­ex-boyfriend nitong si Noly. Naging matamis ang kanilang relasyon. Nang magtapos ng hayskul si Noly ay kumuha siya ng bokasyunal na kurso, linya ng electrician, sa isang hindi kilalang pamantasan. Patuloy ang matamis na pagtitinginan ng dalawa.
           
          Si Diana, sa kabilang banda, ay nasa ika-apat ng taon sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Parañaque. Dahil magkahiwalay na sila ng paaralan ay nagsumikap si Noly upang lagi pa rin silang magkita. Madalas niyang sunduin si Diana at kung paminsan-minsan pa nga’y nagdadala ito ng tasty na nagmula sa kanilang bakery. Sa mga panahong iyon ay kilalang-kilala ang pamilya ni Noly sa industriya nga bakery sa Tramo. Tutol man ang ina ni Diana ay hindi nagpapigil si Noly sa panunuyo.
          
          Isang tag-ulan na araw sa unang linggo ng Hulyo, isang malaking kasalan ang nagawa ng dalawa. Hindi pa man sila’y nagawa na nila ang bagay na hindi nararapat para sa mga taong hindi pa napagbubuklod ng simbahan. Pagkalipas ng isang buwan ay natuklasan na nila ang kagila-gilalas na katotohan --- nagdadalang-tao si Diana! Hinayaan nina Noly at Diana na dumaan pa ang tatlong buwan, dahil sa hindi naman malaki magbuntis si Diana’y walang nakakapansin sa paglobo ng tiyan nito. Naitago nila sa lahat maging sa bestfriend ni Diana at ex-girlfriend ni Noly na si Nineth ang katotohanan. Subalit, tunay ngang walang lihim ang natatago panghabang-buhay. Unang nakatuklas sa kanilang lihim ay ang ina ni Diana na si Aling Beybi. Nagpupuyos sa galit si Aling Beybi at sinimulan na niyang paghigpitan si Diana. Naging mahirap ang lahat para sa kanilang dalawa. Pero harangan man ng sibat ay hindi mapipigilan ang dalawang taong lunod sa pagmamahalan. Dahil sa galing magbantay ni Aling Beybi, nakaisip si Noly ng isang maitim na balak.
           
          Ikalawang linggo ng Agosto, magbubukang-liwayway na kung pupunahin, ay nagpasyang magtanan ang magkasintahan. Tumungo sila sa Lungsod ng Marikina kung saan naninirahan ang panganay na kapatid ni Noly na si Marisa at ang pinsan nitong si Nida. Dahil sa likas na maunawain ang dalawa ay tinanggap nila ang magnobyo. Doon sila nanirahan hanggang sa magpakasal ang dalawa noong ika 10 ng Oktubre, taong 1991 sa isang maliit na simbanhan sa may Parañaque. Luha man ang ibinigay ng maagang pagpapatali ng dalawa ay masaya si Mang Rafael dahil magkakaapo na siya sa paborito niyang anak. Maunawain at tunay na mapagmahal ang mga magulang nina Noly at Diana kaya hindi naging mahirap upang manumbalik ang kaligayahan ng puso ng bawat isa. Dahil na rin sa pagkakabuklod ng mag-asawa sa ilalim ng presensya ng simbahan,  ang dalawa’y maluwag na natanggap sa kanilang komyunidad. Mas napadali sa kanilang lahat ang pagbuo ng isang pamilya kaya natauhan na si Noly upang magsumikap sa buhay. Sa tulong ng kanilang mga magulang ay umasenso at napuno ng pagmamahalan ang maliit na pamilyang kanilang binubuo.


Mahika ng Kamera: Ang Sinematograpiya at Disenyong Biswal ng Sineng I Do Bidoo Bidoo


          MAGALING at tunay na maituturing na bihasa na sa pagsasaayos ng kuwento, tunog at disenyong biswal ang mga Filipino. Patunay na nga ang pagkabuo ni Direk Chris Martinez ng isang pelikulang may mataas na kalidad ng sinematogropiya.
            
          Ano nga ba ang sining ng sinematograpiya ng isang pelikula? Ayon sa mga experto, ito ang elemento ng sine kung saan binibigyan ng halaga ang pag-iilaw at paggalaw ng mga kamera. Sa pelikulang I Doo Bidoo Bidoo, makikita ang husay ng pagrolyo ng kamera. Ang bawat eksena ay masusing nilapatan ng naakmang layo ng kamera sa kinukunan at posisyon at paggalaw ng kamera.
       Dahil sa anyong musikal, komedya at drama ng pelikula, maraming teknik ang ginamit upang mapaglaruang mabuti ang ilaw, posisyon at galaw ng mga mata ng kamera. Halimbawa na lamang ay ang eksena kung saan kumakanta si Neil Coleta (Brent) habang mahimbing na natutulog ang matalik na kaibigan at lihim na iniibig na si Sam Concepcion (Rock). Ang eksena ay nagpapakita ng pighati at pagkabigo sa kanyang minamahal, puno ito ng sakit at panghihinayang kaya ang ginamit na layo ng kamera ay close-up shot. Ang close-up shot ay isang uri ng layo ng kamera kung saan higit na malapit ang pagkakakuha ng kamera sa eksena. Ito ay isang pamamaraan upang mas mabigyan ng tuon ang mga nakatagong emosyon. Sa pamamagitan ng pagpokus sa mukha ni Brent, partikular sa kanyang mga mata, mababasa at mas mararamdaman ang tunay at nakatagong damdamin. Para sa akin, ito’y tunay na epektibo dahil nasasariwa ko ang sakit na magmahal ng taong hindi maaring mapasa-iyo. Mapapansin din ang husay ng paglalaro ng posisyon ng kamera. Mula sa eye-level na posisyon ng kamera habang nakaupo pa sa kama si Brent ay maganda at malinis ang pagkakasalin nito sa high angle na posisyon ng kamera nang magsimula nang umindak sa kanyang awitin si Brent.  Mas nabigyan pang kulay at diin ang eksena dahil sa magandang paggalaw ng kamera na tinatawag na zoom. Dito ay nagkaroon ng paglapit at paglayo ng mismong lente ng kamera na mas nagbigay ng pakahulugan sa maselang eksena ng pag-amin ng isang lalaking may pusong babae sa kanyang sinisinta.
           
          Isa pa sa eksenang nakapukaw ng aking atensiyon ay ang pag-aayos ng mga magulang ni Tippy Dos Santos (Tracy) na sina Zsa Zsa Padilla (Elaine) at Gary Valenciano (Nick). Ayon sa daloy ng kwento, si Tracy ay bunga ng isang pre-marital sex na naging dahilan upang magpakasal sina Elaine at Nick. Sa unang bahagi ng kwento, matutunghayan ang pagkakaroon ng malungkot at malamig na pakikitungo sa pagitan ng mag-asawa. Sa bawat eksena na magkasama sila, sa una hanggang gitnang bahagi ng pelikula, ay mapapansing may pagkamadilim ang kuha ng mga eksena na nagpapahayag ng kalungkutan at pagsisisi mula sa dalawang karakter. Malungkot at puno ng pighati lalo na sa karakter ni Elaine. Sa bandang dulo ng pelikula, kung saan aalis patungong Amerika si Elaine, ay pinigilan ni Nick si Elaine sa kanyang pag-alis. Sa wakas ay ipinahiwatig ni Nick ang tunay na nararamadaman niya para kay Elaine. Upang mas mabigyang kulay ang eksena, ginamitan ito ng medium shot at kaunting close-up shot na nagpapakita sa mga karakter na sina Elaine at Nick sa gitna ng kanilang hacienda at mga trabahador. Lubos na naging magandang tulong ang malinis na paggalaw ng kamera sa pamamagitan ng pagtilt at pagzoom nito na sinabayan pa ng kahanga-hangang pagpoposisyon ng kamera mula low angle patungong eye-level. Damang-dama ko ang pagkatuwa at pag-uumapaw ng kaligayahan at pagmamahalan sa pagitan ng dalawang karakter.
          Sa kabuuan ng pelikula, mahusay ang pagkakagawa ng sinematograpiya at disenyong biswal nito. Mahusay ang pagkakalapat ng iba’t ibang teknik sa pagkuha ng isang eksena na nagbigay-daan sa pagkakaroon nito ng mas makulay at mas makahulugang paglalarawan ng isang simpleng eksena. Dahil na rin siguro sa likas na ang kagandahan ng kwento ng pelikula at husay ng kalidad ng mga nagsipagganap, nabigyan ng hustisya ang mga kantang pinasikat ng APO sa mahabang dekada nila sa industriya. Maidadagdag rin ang angking husay at talento ni Direk Chris Martinez sa pagdirek at pagsulat ng scrip na naging kasangkapan niya upang makabuo ng isang musikal-drama na hinaluan ng komedya na pelikula. Sa aking palagay, malaki ang posibilidad na mapabilang ito sa mga hindi malilimutang pelikula ng dekada.
          
          Sa pagtatapos ng aking rebyu ay ibinibigay ko ang aking buong suporta sa pelikulang I Do Bidoo Bidoo. Ang pelikulang ito ay aking inirerekomendang mapanood ng kapwa ko estudyante sapagkat alam kong makakatulong ito sa pagmumulat ng isip at puso ng mga kabataan sa bagong henersayon sa ganda ng sining at pelikulang Filipino.

Kapeng May Gatas


          Ilang araw na rin ng magsimulang balutin ng maitim na ulap ang buong Metro Manila. Sa aming lugar nga’y may ga-tuhod na kulay kapeng may gatas na tubig na sa buong kalsada. Maraming naglulutangang kalat ng kendi, tsitsirya, at basyo ng mga latang pinagkainan ng mga lumipas na araw. Masangsang ang resulta ng pinaghalu-halong amoy ng basura, dumi ng hayop, at katas ng tubig kanal. Samantalang ang aking mga tiya ay mistulang hindi makapang-itlog na manok dahil pauli-uli sila sa aming bahay. Impake dito, impake doon. Ang aming mga gamit ay nakasilid na sa mga bag ng Avon. Nang magsimula pang tumaas ang tubig ay dali-dali kaming umalis ng aming tahanan, parang mga pusang takot na takot mabasa ng tubig ulan.           
Pinagkuhanan: http://www.flickr.com/photos/one_thousand_and_one_horsepower/7736738954/

          Malagkit, nakaka-kilabot ang maglakad sa masangsang, ga-hita, at napakaduming tubig-baha. Takot ma’y hindi maaaring sumuko. Sa daan ay naka-apak ako ng sako’t mga damit ng mga nalunod sa baha, nakasalubong ko rin ang paglangoy at paglalaro ng mga hito sa aking likuran. Bago pa man kami maka-alis sa aming subdibisyon ay napansin ko ang mga batang-kalye na masaya’t masiglang nakikipaglaro sa mga bacteria ng tubig-baha. Sisid, langoy. Sisid ulit, tapos halakhak. Kasabay ng naguumapaw na kaligayahan sa mga puso ng mga batang ito’y ang pagbubunyi ng Leptospirosis dahil nakikita niya ang mga may potensyal na mabiktima niya. Mga musmos na bata na walang kamalay-malay sa maaaring maging kapalit ng kaligayahang natatamasa nila ng mga panahong iyon.     





          Ang Dating Daan. Dumating na nga kami sa lokal ng Ang Dating Daan sa may Sto. Nino. Wala na akong matanaw na naglulutangang mga basura at patay na daga. Ngunit patuloy ang pagbato ng kalangitan ng tubig sa among bubungan at kalsada. Hindi rin naman napapagod ang mga mamahayag sa pagbabalita tungkol sa naka-ambang pag-apaw ng Ilog Marikina. Basang sisiw man ay hindi alintana sapagkat may nagbabadya na namang paglamon sa aming kapaligiran ng tubig na kulay kapeng may gatas. Nanunuot sa aking katawan ang takot dahil kmai’y nakakulong na sa kamatayan. Kung hindi mapapatahan ang nagwawalang kalangitan, wala na kaming takas, wala na kaming matatakbuhan.    

Nagmula sa: http://bearlyawake.blogspot.com/2012/08/floods-in-manila-aug-8-2012.html 
          Pagkatapos nga ng ilang araw at gabing pangamba ay sumikat muli ang araw. Parang wala na namang nangyaring sakuna at tuloy pa rin ang buhay. Salamat sa Diyos at kami’y buhay pa.


About Me

Kasalukuyang nasa ika-apat na taon na sa pagkuha ng BS Accountany sa Kolehiyo ng Miriam. Mahal ko ang kulturang Filipino, Ngayon at Kailanman.