Tuesday, October 9, 2012

Kapeng May Gatas


          Ilang araw na rin ng magsimulang balutin ng maitim na ulap ang buong Metro Manila. Sa aming lugar nga’y may ga-tuhod na kulay kapeng may gatas na tubig na sa buong kalsada. Maraming naglulutangang kalat ng kendi, tsitsirya, at basyo ng mga latang pinagkainan ng mga lumipas na araw. Masangsang ang resulta ng pinaghalu-halong amoy ng basura, dumi ng hayop, at katas ng tubig kanal. Samantalang ang aking mga tiya ay mistulang hindi makapang-itlog na manok dahil pauli-uli sila sa aming bahay. Impake dito, impake doon. Ang aming mga gamit ay nakasilid na sa mga bag ng Avon. Nang magsimula pang tumaas ang tubig ay dali-dali kaming umalis ng aming tahanan, parang mga pusang takot na takot mabasa ng tubig ulan.           
Pinagkuhanan: http://www.flickr.com/photos/one_thousand_and_one_horsepower/7736738954/

          Malagkit, nakaka-kilabot ang maglakad sa masangsang, ga-hita, at napakaduming tubig-baha. Takot ma’y hindi maaaring sumuko. Sa daan ay naka-apak ako ng sako’t mga damit ng mga nalunod sa baha, nakasalubong ko rin ang paglangoy at paglalaro ng mga hito sa aking likuran. Bago pa man kami maka-alis sa aming subdibisyon ay napansin ko ang mga batang-kalye na masaya’t masiglang nakikipaglaro sa mga bacteria ng tubig-baha. Sisid, langoy. Sisid ulit, tapos halakhak. Kasabay ng naguumapaw na kaligayahan sa mga puso ng mga batang ito’y ang pagbubunyi ng Leptospirosis dahil nakikita niya ang mga may potensyal na mabiktima niya. Mga musmos na bata na walang kamalay-malay sa maaaring maging kapalit ng kaligayahang natatamasa nila ng mga panahong iyon.     





          Ang Dating Daan. Dumating na nga kami sa lokal ng Ang Dating Daan sa may Sto. Nino. Wala na akong matanaw na naglulutangang mga basura at patay na daga. Ngunit patuloy ang pagbato ng kalangitan ng tubig sa among bubungan at kalsada. Hindi rin naman napapagod ang mga mamahayag sa pagbabalita tungkol sa naka-ambang pag-apaw ng Ilog Marikina. Basang sisiw man ay hindi alintana sapagkat may nagbabadya na namang paglamon sa aming kapaligiran ng tubig na kulay kapeng may gatas. Nanunuot sa aking katawan ang takot dahil kmai’y nakakulong na sa kamatayan. Kung hindi mapapatahan ang nagwawalang kalangitan, wala na kaming takas, wala na kaming matatakbuhan.    

Nagmula sa: http://bearlyawake.blogspot.com/2012/08/floods-in-manila-aug-8-2012.html 
          Pagkatapos nga ng ilang araw at gabing pangamba ay sumikat muli ang araw. Parang wala na namang nangyaring sakuna at tuloy pa rin ang buhay. Salamat sa Diyos at kami’y buhay pa.


No comments:

Post a Comment

About Me

Kasalukuyang nasa ika-apat na taon na sa pagkuha ng BS Accountany sa Kolehiyo ng Miriam. Mahal ko ang kulturang Filipino, Ngayon at Kailanman.