Tuesday, October 9, 2012

Tanan


          Tulalang nakatitig si Noly, bunso sa pitong magkakapatid, sa kanilang pugon na ginagamit ng kanyang mga magulang sa pagluluto ng tinapay. Dahil bunso, pinalaking sunod sa layaw nina Mang Rafael at Aling Martina si Noly. Tubong Batangas ang kanyang mga magulang subalit, dahil sa paghahanap-buhay ng mga ito ay napilitan silang lumipat sa isang iskwateran sa may Tramo na matatagpuan sa Lungsod ng Parañaque.
           
          Kayod-kalabaw ang mga magulang ni Noly upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi man mayaman ay sinisigurado ng mag-asawa na higit pa sa sapat ang atensyon at pagmamahal na inilalaan nila sa kanilang mga anak, lalung-lalo na kay Noly. Ika nga ni Mang Rafael, “Handa akong mangutang, maging doktor ka lang Nolito!” Nakakatuwang nakakaiyak mang isipin ay naging malayo sa hinahangad ng mag-asawa ang kapalaran ni Noly. Sa unang baitang pa lamang ay ninais na niyang huminto na sa pag-aaral. Wala siyang hilig sa Matematika lalung-lalo na man sa Ingles at Science. Tila naging parusa ang bawat silid-aralan sa Mababang Paaralan ng Lungsod ng Parañaque.
           
         Makalipas nga ng ilang taon, nagbinata na ang bunsong si Noly. Nagsimula na siyang magsisali sa mga basag-ulo ng kanilang lugar. Natuto na rin siyang manuyo ng mga kadalagahan. Isa nga sa kanyang mga naging kasintahan ay si Nineth. Labing apat na taon pa lamang sila noon, sa kainitan ng Mayo ng sila’y magka-oo-han,  ng matuto na silang magbulakbol at tumakas tuwing Sabado upang manood ng sine at gumala. Upang mapunan ang kanyang mga luho, natuto magbakal-bote si Noly. Nang matapos ang kulang-kulang na apat na buwan ay nagkasawaan na sila’t nagdesisyong maghiwalay. Sugatan man ang puso’y tuloy pa rin ang buhay. Nang umapak si Noly sa ikatlong taon sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Parañaque, naging pabaya siya lalo sa kanyang pag-aaral kaya  bagsakin ang karamihan sa mga marka nito. Lalo siyang naging sakit sa ulo ng kanyang mga magulang. Sa ika-apat na taon ay palala siya  ng palala. Hindi man siya ang tipo ng taong laman ng bilyaran ay hindi rin siya matuturing na taong pala-aral. Para sa kanya, suntok sa buwan ang maging masipag na estudyante.
           
          Marso ng ika-apat na taon, huling buwan na kung tutuusin, nang magsimulang maging malapit na magkaibigan ang bestfriend ni Nineth na si Diana at ang ­ex-boyfriend nitong si Noly. Naging matamis ang kanilang relasyon. Nang magtapos ng hayskul si Noly ay kumuha siya ng bokasyunal na kurso, linya ng electrician, sa isang hindi kilalang pamantasan. Patuloy ang matamis na pagtitinginan ng dalawa.
           
          Si Diana, sa kabilang banda, ay nasa ika-apat ng taon sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Parañaque. Dahil magkahiwalay na sila ng paaralan ay nagsumikap si Noly upang lagi pa rin silang magkita. Madalas niyang sunduin si Diana at kung paminsan-minsan pa nga’y nagdadala ito ng tasty na nagmula sa kanilang bakery. Sa mga panahong iyon ay kilalang-kilala ang pamilya ni Noly sa industriya nga bakery sa Tramo. Tutol man ang ina ni Diana ay hindi nagpapigil si Noly sa panunuyo.
          
          Isang tag-ulan na araw sa unang linggo ng Hulyo, isang malaking kasalan ang nagawa ng dalawa. Hindi pa man sila’y nagawa na nila ang bagay na hindi nararapat para sa mga taong hindi pa napagbubuklod ng simbahan. Pagkalipas ng isang buwan ay natuklasan na nila ang kagila-gilalas na katotohan --- nagdadalang-tao si Diana! Hinayaan nina Noly at Diana na dumaan pa ang tatlong buwan, dahil sa hindi naman malaki magbuntis si Diana’y walang nakakapansin sa paglobo ng tiyan nito. Naitago nila sa lahat maging sa bestfriend ni Diana at ex-girlfriend ni Noly na si Nineth ang katotohanan. Subalit, tunay ngang walang lihim ang natatago panghabang-buhay. Unang nakatuklas sa kanilang lihim ay ang ina ni Diana na si Aling Beybi. Nagpupuyos sa galit si Aling Beybi at sinimulan na niyang paghigpitan si Diana. Naging mahirap ang lahat para sa kanilang dalawa. Pero harangan man ng sibat ay hindi mapipigilan ang dalawang taong lunod sa pagmamahalan. Dahil sa galing magbantay ni Aling Beybi, nakaisip si Noly ng isang maitim na balak.
           
          Ikalawang linggo ng Agosto, magbubukang-liwayway na kung pupunahin, ay nagpasyang magtanan ang magkasintahan. Tumungo sila sa Lungsod ng Marikina kung saan naninirahan ang panganay na kapatid ni Noly na si Marisa at ang pinsan nitong si Nida. Dahil sa likas na maunawain ang dalawa ay tinanggap nila ang magnobyo. Doon sila nanirahan hanggang sa magpakasal ang dalawa noong ika 10 ng Oktubre, taong 1991 sa isang maliit na simbanhan sa may Parañaque. Luha man ang ibinigay ng maagang pagpapatali ng dalawa ay masaya si Mang Rafael dahil magkakaapo na siya sa paborito niyang anak. Maunawain at tunay na mapagmahal ang mga magulang nina Noly at Diana kaya hindi naging mahirap upang manumbalik ang kaligayahan ng puso ng bawat isa. Dahil na rin sa pagkakabuklod ng mag-asawa sa ilalim ng presensya ng simbahan,  ang dalawa’y maluwag na natanggap sa kanilang komyunidad. Mas napadali sa kanilang lahat ang pagbuo ng isang pamilya kaya natauhan na si Noly upang magsumikap sa buhay. Sa tulong ng kanilang mga magulang ay umasenso at napuno ng pagmamahalan ang maliit na pamilyang kanilang binubuo.


No comments:

Post a Comment

About Me

Kasalukuyang nasa ika-apat na taon na sa pagkuha ng BS Accountany sa Kolehiyo ng Miriam. Mahal ko ang kulturang Filipino, Ngayon at Kailanman.