MAGALING
at tunay na maituturing na bihasa na sa pagsasaayos ng kuwento, tunog at
disenyong biswal ang mga Filipino. Patunay na nga ang pagkabuo ni Direk Chris
Martinez ng isang pelikulang may mataas na kalidad ng sinematogropiya.
Ano nga ba ang sining ng
sinematograpiya ng isang pelikula? Ayon sa mga experto, ito ang elemento ng
sine kung saan binibigyan ng halaga ang pag-iilaw at paggalaw ng mga kamera. Sa
pelikulang I Doo Bidoo Bidoo, makikita ang husay ng pagrolyo ng kamera. Ang
bawat eksena ay masusing nilapatan ng naakmang layo ng kamera sa kinukunan at
posisyon at paggalaw ng kamera.
Dahil sa anyong musikal, komedya at
drama ng pelikula, maraming teknik ang ginamit upang mapaglaruang mabuti ang
ilaw, posisyon at galaw ng mga mata ng kamera. Halimbawa na lamang ay ang
eksena kung saan kumakanta si Neil Coleta (Brent) habang mahimbing na natutulog
ang matalik na kaibigan at lihim na iniibig na si Sam Concepcion (Rock). Ang
eksena ay nagpapakita ng pighati at pagkabigo sa kanyang minamahal, puno ito ng
sakit at panghihinayang kaya ang ginamit na layo ng kamera ay close-up shot. Ang close-up shot ay isang uri ng layo ng kamera kung saan higit na
malapit ang pagkakakuha ng kamera sa eksena. Ito ay isang pamamaraan upang mas
mabigyan ng tuon ang mga nakatagong emosyon. Sa pamamagitan ng pagpokus sa
mukha ni Brent, partikular sa kanyang mga mata, mababasa at mas mararamdaman ang
tunay at nakatagong damdamin. Para sa akin, ito’y tunay na epektibo dahil
nasasariwa ko ang sakit na magmahal ng taong hindi maaring mapasa-iyo.
Mapapansin din ang husay ng paglalaro ng posisyon ng kamera. Mula sa eye-level na posisyon ng kamera habang
nakaupo pa sa kama si Brent ay maganda at malinis ang pagkakasalin nito sa high angle na posisyon ng kamera nang
magsimula nang umindak sa kanyang awitin si Brent. Mas nabigyan pang kulay at diin ang eksena
dahil sa magandang paggalaw ng kamera na tinatawag na zoom. Dito ay nagkaroon
ng paglapit at paglayo ng mismong lente ng kamera na mas nagbigay ng
pakahulugan sa maselang eksena ng pag-amin ng isang lalaking may pusong babae
sa kanyang sinisinta.
Isa pa sa eksenang nakapukaw ng
aking atensiyon ay ang pag-aayos ng mga magulang ni Tippy Dos Santos (Tracy) na
sina Zsa Zsa Padilla (Elaine) at Gary Valenciano (Nick). Ayon sa daloy ng
kwento, si Tracy ay bunga ng isang pre-marital
sex na naging dahilan upang magpakasal sina Elaine at Nick. Sa unang bahagi
ng kwento, matutunghayan ang pagkakaroon ng malungkot at malamig na pakikitungo
sa pagitan ng mag-asawa. Sa bawat eksena na magkasama sila, sa una hanggang
gitnang bahagi ng pelikula, ay mapapansing may pagkamadilim ang kuha ng mga
eksena na nagpapahayag ng kalungkutan at pagsisisi mula sa dalawang karakter.
Malungkot at puno ng pighati lalo na sa karakter ni Elaine. Sa bandang dulo ng
pelikula, kung saan aalis patungong Amerika si Elaine, ay pinigilan ni Nick si
Elaine sa kanyang pag-alis. Sa wakas ay ipinahiwatig ni Nick ang tunay na
nararamadaman niya para kay Elaine. Upang mas mabigyang kulay ang eksena,
ginamitan ito ng medium shot at
kaunting close-up shot na nagpapakita
sa mga karakter na sina Elaine at Nick sa gitna ng kanilang hacienda at mga trabahador. Lubos na
naging magandang tulong ang malinis na paggalaw ng kamera sa pamamagitan ng pagtilt at pagzoom nito na sinabayan pa ng kahanga-hangang pagpoposisyon ng
kamera mula low angle patungong eye-level. Damang-dama ko ang pagkatuwa
at pag-uumapaw ng kaligayahan at pagmamahalan sa pagitan ng dalawang karakter.
Sa kabuuan ng pelikula, mahusay ang
pagkakagawa ng sinematograpiya at disenyong biswal nito. Mahusay ang
pagkakalapat ng iba’t ibang teknik sa pagkuha ng isang eksena na nagbigay-daan
sa pagkakaroon nito ng mas makulay at mas makahulugang paglalarawan ng isang
simpleng eksena. Dahil na rin siguro sa likas na ang kagandahan ng kwento ng
pelikula at husay ng kalidad ng mga nagsipagganap, nabigyan ng hustisya ang mga
kantang pinasikat ng APO sa mahabang dekada nila sa industriya. Maidadagdag rin
ang angking husay at talento ni Direk Chris Martinez sa pagdirek at pagsulat ng
scrip na naging kasangkapan niya
upang makabuo ng isang musikal-drama na hinaluan ng komedya na pelikula. Sa
aking palagay, malaki ang posibilidad na mapabilang ito sa mga hindi
malilimutang pelikula ng dekada.
Sa pagtatapos ng aking rebyu ay
ibinibigay ko ang aking buong suporta sa pelikulang I Do Bidoo Bidoo. Ang pelikulang ito ay aking inirerekomendang
mapanood ng kapwa ko estudyante sapagkat alam kong makakatulong ito sa
pagmumulat ng isip at puso ng mga kabataan sa bagong henersayon sa ganda ng
sining at pelikulang Filipino.
😄
ReplyDeleteCasino, Sportsbook & Poker | DrmCD
ReplyDeleteEnjoy a 밀양 출장샵 $50 risk free bet on 논산 출장마사지 any legal sportsbook 전라북도 출장마사지 or poker game. Place your first bet, win 천안 출장마사지 and start playing. Start playing today! 김포 출장마사지